18/03/2026
Halina't makiisa sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng pagbubukas ng modernisadong Museo ni Marcelo H. del Pilar, ngayong Miyerkules, ika-18 ng Marso, 2026.
Bilang pasasalamat, ang ating museo ay mamimigay ng munting handog o tokens sa mga bibisita sa museo mula sa ika-18 ng Marso, 2026.
----------
Bago pa man magkaroon ng museo, pinangunahan ng Pangkasaysayang Kumite ng Pilipinas, na ngayo’y kilala bilang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP), ang paglalagay ng isang palatandaang pangkasaysayan sa pook-sinilangan ng dakilang propagandista at manunulat na si G*t Marcelo H. Del Pilar noong taong 1939.
Noong ika-30 ng Agosto, 1982, itinayo sa pook-sinilangan ang isang bantayog ni Plaridel na yari sa tanso at may taas na sampung talampakan. Makaraan ang isang taon, ang mga labi ni Plaridel ay tuluyan nang inihimlay sa kanyang huling hantungan sa paanan ng bantayog nito. Kasunod nito ang pagtatalaga bilang Pambansang Dambana, sa bisa ng Kapasiyahan Blg. 1 ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan na nilagdaan noong Hunyo 7, 2006.
Sa paggunita ng sentenaryo ng kamatayan ni Marcelo H. Del Pilar noong ika-4 ng Hulyo, 1996, nagkaloob ang Pangulong Fidel V. Ramos ng pondo para sa pagpapatayo ng isang museo sa lugar kung saan isinilang ang bayani. At sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Plaridel noong Ika-30 ng Agosto, 1998, pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng Bulakan ang pagpapasinaya sa Museo at Aklatan ni Marcelo H. del Pilar.
Mula sa Pamahalaang Bayan ng Bulakan, ang pamamahala at pangangalaga sa museo ay inilipat sa Pambansang Suriang Pangkasaysayan ng Pilipinas na ngayo’y kilala bilang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP).
Taong 2015 nang pansamantalang isinara at sinimulan ang renobasyon ng museo at noong Ika-18 ng Marso, 2016 ay binuksan sa publiko ang modernisadong Museo ni Marcelo H. del Pilar na nagtatampok sa kanyang buhay, diwa at kabayanihan.