11/01/2026
Giant Dwarf Art Space: Ang Dwende sa Larangan ng mga Higante
Itinaguyod ang Giant Dwarf Art Space noong 2018 sa pamumuno at pangunguna ni Wire Tuazon, kasama sina Keiye Miranda-Tuazon, Art Sanchez Jr., Allan Alcantara, Chitoy Zapata, Ian Lomongo, Chantel Garcia, Karl Castro, Aga Francisco, Noel Solis, Ces Eugenio, Richard Gappi, Raymond Gappi, Jerwin Villanueva, at Christine Yturiaga.
Bukod sa hangaring magkaroon sana ng kaunting kita kahit papaano, layunin din ng grupo na magsilbing katuwang ng Neo-Angono Artists Collective sa pagsusulong ng sining sa mga mamamayan ng Angono at mga karatig-bayan.
Maaaring taluntunin ang pag-usbong ng ideya sa serye ng mga poster ni Chitoy Zapata para sa isa sa mga Neo-Angono Public Art Festival sa kanyang pagpapalawak ng aplikasyon ng “higante” bilang iconic na representasyon ng Angono, kabilang ang paanyaya at hamon na “Kaya mong maging Higante!” Gayundin, sa isang conceptual art project ni Wire Tuazon, “Higanteng Dwende” ang main feature sa sineng ipapalabas (kung saan ang tiket o pases ay ilalagay sa ilalim ng unan bago matulog) sa iyong pananaginip. At siyempre pa, pamilyar naman tayong lahat sa kwento ng tagisan at labanan nina David at Goliath.
Sa loob ng pitong taong pananahan ng Giant Dwarf Art Space sa gusali ni Nemiranda sa kanto ng Manila East Road at Doña Justa St., naging maliit na puwang ito upang itanghal ang mga “maliliit” at nagsisimulang mga artist sa iba-ibang larangan, gayundin para sa mga “higante” nang maituturing, at lalo na para sa mga nasa pagitan ng “higante” at “dwende,” gaya ng marami sa atin. Naging larangan at playground ito ng maraming proyekto at kolaborasyon ng samu’t saring artist – lokal, internasyunal, amatyur, propesyonal – at lagi, sa pakikipagtulungan ng Neo-Angono Artists Collective, ang literary arm nito na Angono Tres-Siyete Poetry Society, at iba pang mga grupo, organisasyon, at indibidwal.
Sa panghuling exhibit ng Giant Dwarf Art Space sa pagtatapos ng taon, magtatapos din ang unang kabanata ng kasaysayan at pananahan sa unang tahanan nito. Pumanaw na rin si Richard Gappi, na isa sa mga pangunahing tagasulat ng mga exhibit notes. Ngunit sa paglisan ni Richard, nariyan din naman ang pagpasok ng aktibong pakikilahok ni Neliza de Leon-Lauron.
Lilipat sa bagong tahanan, magpapanibagong hugis at anyo, ngunit magpapatuloy, magpapadayon, magpapadaloy -- itong dwende sa larangan ng mga higante: Giant Dwarf Art Space!
Texto ni Ian Lomongo