12/04/2026
HISTORICAL GATHERING NG MGA SULTANATE, GINANAP SA SGA-BARMM
TUGUNAN, Special Geographic Area, BARMM — Abril 9, 2026
Isang makasaysayang pagtitipon ang naganap ngayong Huwebes sa Municipality of Tugunan, Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kung saan nagtipon ang dalawampu’t isang (21) Royal House Sultanate para sa Assembly ng United Sultanates of Bagua Engid Tawlan Darussalam (USBETD).
Pinangunahan ang naturang asembliya ni Interim President Hon. Abdullah “Kagi Bayan” P. Abas,at kasalukuyang Alkalde ng Tugunan municipality,SGA-BARMM na siyang nagsilbing tagapagbuklod ng iba’t ibang Sultanate na matagal nang bahagi ng makulay at malalim na kasaysayan ng Bangsamoro.
Isa sa dumalo si Hon. Sultan John Yahya Namla Abag,mula sa Sultanate ng Cabpangi Libungan Dadas ,SGA-BARMM kasama ang iba pang delegates.
Layunin ng pagtitipon na pagtibayin ang pagkakaisa ng mga Sultanate, palalimin ang ugnayan ng tradisyunal na pamumuno, at muling buhayin ang mahalagang papel ng mga ito sa kontemporaryong lipunan.
Ayon sa mga dumalo, ang Sultanate system ay hindi lamang simbolo ng sinaunang pamahalaan kundi isa ring haligi ng kultura, identidad, at espiritwal na pamumuhay ng mga mamamayang Bangsamoro.
Sa kasaysayan, ang mga Sultanate sa Mindanao ay nagsilbing sentro ng pamahalaan, kalakalan, at diplomasiya bago pa man dumating ang mga kolonyal na kapangyarihan.
Kilala rin ang mga ito sa pagpapatupad ng batas batay sa Shari’ah at sa pagpapanatili ng kaayusan sa kani-kanilang nasasakupan.
Sa gitna ng modernisasyon, muling binibigyang-diin ng Assembly ang kahalagahan ng pagkilala sa tradisyunal na liderato bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Tinalakay rin sa pulong ang mga isyung kinahaharap ng mga komunidad, kabilang ang pagpapalakas ng kultura, edukasyon, at pagkakaisa ng Bangsamoro people.
Inaasahang magsisilbing daan ang naturang asembliya upang higit pang mapagtibay ang ugnayan ng mga Sultanate at ng Bangsamoro Government, habang pinangangalagaan ang kanilang makasaysayang pamana para sa susunod na henerasyon.
Ang pagtitipon ay itinuturing ng marami bilang isang mahalagang hakbang sa pagbuhay at pagkilala sa sinaunang sistema ng pamumuno na patuloy na nagbibigay identidad at direksyon sa Bangsamoro.